July 11, 2012

Paalam Pidol



Photo source: FB Wall of my friend, Theela
Isang malungkot na umaga ang bumulaga sa panonood ko kanina ng mga balita. Maaga akong nakatulog kagabi kaya di ko na nasubaybayan na kagabi pa pala sumakabilang-buhay ang Hari ng Komedya na si Dolphy o Rodolfo Quizon Sr.

Ang buong Pilipinas ay nagluluksa sa kanyang pagpanaw. Isa ako sa mga batang lumaking nakatutok sa panonood ng John and Marsha. 

Naalala ko pa noon, ang tatay ko, bawal kaming manood ng telebisyon lalo na kung ang palabas ay ang mga walang kamatayang telenovela. Ang kanya kasing pananaw, kaya namang tapusin ng isang oras, paulit-ulit lamang naman daw ang mga eksena.

Subalit si Papa walang angal pag John and Marsha na ang aming pinanonood. Malamang e sikreto ding natatawa kay Pidol ang seryoso kong tatay.

Sa dami na ng mga artista - sikat man o hindi, na aking nakita at nakunan ng larawan, kung bakit ba namang di ako pinalad na makita si Dolphy. Malamang, hinimatay ako sa tuwa kung sya'y aking nakita. 

Sa tatlong istasyon ng pang umagang balitaan na palipat lipat kong pinanood, iisa lamang ang sinabi ng lahat ng nagpatotoo kay Pidol - na sya ay likas na mabait at pamagbigay na tao. Walang yabang o pagmamalaki sa kung ano man ang kanyang narating at estado ng buhay. Ang mga tagahanga naman ay bilib din sa kanyang tigaya sa pagpapakuha ng mga larawan. Di daw nagsusungit kahit na nga kakain na lamang, basta may fan na lalapit ay okey lang sa kanya.

Ika nga ng buhay, 
lahat naman tayo'y papanaw, 
ngunit ang saya at pagpapasaya 
sa kapwa ang sapat na batayan
kung tayo'y namuhay ng kalugod-lugod. 

Isa si Dolphy sa tunay namang nagpasaya 
sa napakaraming Pilipino.

Paalam Pidol.

1 comment:

  1. This is very sad news but ganyan ang life, dun din tau papunta. una unahan lng yan..He will be remember by people who love and adore him..Good bye Pedol..

    ReplyDelete

Thank you for the joyful comments!